-- Advertisements --
image 259

Kinumpirma ng Special Investigation Task Group (SITG) Lapid ang naging pahayag ni Philippine National Police officer-in-charge Police Lt. Gen. Rhodel Sermonia na natukoy na ng pulisya ang umano’y middleman sa pagpatay sa beteranong mamamahayag na si Percival Mabasa o mas kilala bilang si Percy Lapid.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines ay sinabi ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo na kinumpirma raw ito sa kaniya mismo ni SITG Spokesperson Resty Arcangel.

Ngunit nilinaw niya na sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang imbestigasyon ukol dito kasabay na rin ng pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang mabigyang linaw ang naturang kaso.

“Kailangan nating tutukan ang investigation, kailangan natin makipagcoordinate sa National Bilibid Prison, sa Bureau of Jail Management and Penology na siyang namamahala sa mga detention facility natin, at meron din tayong mga provincial jail na yung mga LGUs naman (ang namamahala). Napakalawak kasi ng mga binitawang salita niya (self-confessed gunman Joel Escorial), Bilibid.” saad ni PNP spokesperson PCol. Jean Fajardo sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines.

“So ang ginagawa ng SITG ay nakikipagcoordinate na sa Bilibid at hihintayin natin yung magiging resulta ng kanilang coordination kung meron bang ganung tao nga na sinasabi nitong self-confessed gunman at kung hindi nga sa National Bilibid Prison ay maaari na makipag-ugnayan tayo sa BJMP para tignan ang kanilang datos kung ang binigay bang pangalan nitong self-confessed gunman ay magma-match sa isang tao na nakakulong sa ngayon to any jail facilities dito sa bansa.” dagdag pa niya.

Samantala, bukod naman na pahayag ay sinabi ni Special Investigation Task Group Commander at Southern Police District Director Police Brig. General Kirby John Kraft titiyakin nila ang seguridad ng nasabing middleman sa naturang kaso.

Kung maalala, una nang sinabi ni Gen. Sermonia sa kaniyang mga naging pahayag na sa ngayon ay nasa isang detention facility ang naturang middleman na kumakaharap pa aniya sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga.