TACLOBAN CITY – Kasabay ng pagsisimula ng unang araw ng voter’s registration para sa May 2020 elections, inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC)-Regional Office 8 ang nakatakdang pagsasagawa ng special election for congressman sa Southern Leyte.
Itoiy matapos masuspende ang congressional election sa naturang probinsya dahil sa pagpapalabas ng Kongreso sa Republic Act No. 11198 o ang paghahati sa Southern Leyte sa dalawang congressional districts.
Ayon kay Atty. Jose Nick Mendros, regional director ng COMELEC-8, ipinalabas ang naturang batas noong matapos na ang filing of candidacy para sa nakaraang May 13, 2019 elections kaya nagdesisyon ang komisyon na isuspende lang muna ang eleksyon para sa tatakbong mga kongresista sa Southern Leyte.
Magsisimula ang filing of candidacy sa darating na Agosto 26-28 at isasagawa ang eleksyon sa October 26 ngayong taon kasabay ng special election din sa General Santos City.
Nabatid na automated pa rin ang isasagawang halalan pero ang pinagkaiba nito sa nakaarang May 2019 elections, ay hindi magkakaroon ng transmission.