Inirekominda ng isang kongresista na gamitin ang special education fund (SEF) ng mga local government units para matulungan ang mga private school teachers sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na dapat mapasama ang pagtulong sa mga guro na ito sa proposed expanded utilization ng local education fund.
Naniniwala si Rodriguez na may sapat na kapangyarihan ang Kongreso para pagdeisiyunan ang usapin na ito, at kung ano ang nakabubuti para sa bansa.
“And I believe we can assist private school teachers whose remunerations are lagging behind. When we give assistance to teachers, it is for the benefit of the students,” dagdag pa nito.
Una rito, nagpahayag ng kanyang pagkabahala si House Committee on Higher Education chairman Roman Romulo hinggil sa constitutional provision na nagsasabi na hindi maaring gamitin ang public funds sa private purposes.
Pero ayon kay Rodriguez, hindi ito applicable dahil hindi naman private sector ang tutulungan sa kanyang rekomendasyon kundi ang mga estudyante na nag-aaral sa mga pribadong paaralan.
Gayunman, wala namang masama aniya kung sabihin na assistance sa mga private schools ang proposed financial aid sa mga guro gayong sa ngayon ay may mga programa naman talaga ang pamahalaan para tulungan ang mga private educational institutions tulad ng GASTPE.
Nagpahayag ng kanilang suporta sa proposal na ito ni Rodriguez sina Congressman Mark Go at Congresswoman France Castro, sa pagsasabi na ang SEF ay nagmula naman sa local taxes na maaring gamitin para sa mga private school teachers at students.