-- Advertisements --

Inihayag ni Philippine Constitution Association (Philconsa) President at House Speaker Martin Romualdez na ang pag-amyenda sa economic provisions ng 1987 Philippine Constitution ang tinututukan ngayon ng Kamara.

Pahayag ito ni Romualdez kasabay sa pagdiriwang ng Constitution day kahapon.

Ayon sa speaker, ilang panukala at people’s initiative ang inihain, na nilalayong amyendahan ang Saligang Batas ng bansa.

Subalit Mas nakatuon ang panawagang Charter Change o Cha-cha sa pagbabago ng economic provisions ng Konstitusyon.

Layon nito na mas makakuha ng maraming foreign direct investment, na magreresulta sa dagdag na trabaho para sa mga Pilipino.

Tinukoy ni Romualdez na noong 2020, pumangatlo ang Pilipinas bilang most restrictive country batay sa Organization for Economic Cooperation and Development”s (OECD) foreign direct investment regulatory restrictiveness index (FDI Index).

Kabilang sa restrictions ang 60-40 ownership, pagbabawal sa foreigner na mag may-ari ng mass media, at ang ownership cap sa advertising agencies at educational facilities.

Dagdag pa ng House Speaker, sa mga biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., madalas na natatanong kung gaano ka-restrictive o kahigpit ang ating Konstitusyon.

Sa February 10 sisimulan na ang regional public consultation ng House Committee on Constitutional Amendments sa Luzon, Visayas at Mindanao.