-- Advertisements --

Namahagi ng tulong ang tanggapan nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Tingog Party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude Acidre sa mga pamilyang nasunugan sa Cotabato City.

Bilang agarang tugon, nagpadala ang Tingog Party-list Cotabato ng 250 hot meals at 80 galon ng purified water sa Datu Siang Elementary School na nagsisilbing evacuation center ng mga pamilya na nasunugan.

Batay sa ulat na nakarating sa Tingog, nasa 200 pamilya ang naapektuhan ng sunog na naganap noong July 5, 2023 sa Purok Tadman, Poblacion 7, Cotabato City.

Tinatayang 80 kabahayan ang natupok sa insidente.

Sa Martes, July 11, mamamahagi naman ng relief goods ang tanggapan ni Speaker Romualdez sa mga biktima.

Agad namang nakipag-ugnayan si Speaker Romualdez, Rep. Romualdez, na siyang chairperson ng House Committee on Accounts, at House deputy majority leader Acidre kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian para mabigyan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) ang mga biktima ng sunog.

Sa Miyerkoles, itinakda ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng AICS.