Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. sa mga magandang accomplishments nito sa kaniyang 1st 100 days bilang chief executive.
Ayon kay Speaker “Great Job” ang performance ng Pangulo bilang panimula sa kanyang liderato tungo sa economic recovery ng bansa dahil sa pandemya.
Partikular na binanggit ni Romualdez ang pagbuo ng Malakanyang ng panukalang budget na tutugon na pangangailangan at mga problema ng bansa.
Sinabi ni Romualdez sa panig ng Kamara, mabilis na naipasa ang 2023 General Appropriations Bill na siyang pinakamahalagang legislative agenda ng Marcos administration.
Aniya, ang Pilipinas ay nasa tamang landas at patuloy ang paglago ng ekonomiya sa kabila ng naranasang pinsala dulot ng pandemya.
Dagdag pa ni Speaker na sa ilalim ng Marcos Jr. administration tunay na mas maliwanag ang hinaharap.
Malaking bagay din ang matagumpay na biyahe ni Pangulong Marcos sa Indonesia, Singapore at Amerika na makatutulong para makahikayat ng kinakailangang foreign investments ang Pilipinas bukod sa lalo pang pagpapatatag ng bilateral at diplomatic relations.
Batay sa pagataya, aabot sa P14.36-billion dollars ang inaasahang investment pledges na nakuha ni Pangulong Marcos nang bumisita sa Indonesia at Singapore at $4-billion dollars naman sa kanyang working visit sa Amerika.
Naniniwala naman si Speaker na ang maingat na pagpili ng Pangulo ng mga pinakamahusay na economic managers at ang masusing paggawa ng Medium Term Fiscal Framework na siyang magsilbing roadmap sa administrasyon at magsisilbing gabay ng bansa pabalik sa kanyang high-growth trajectory.