-- Advertisements --

Pinuri ni House Speaker Martin Romualdez si Pangulong Ferdinand Marcos Jr matapos itaguyod ang pagtalima sa rules-based order at mapayapang resolusyon sa mga sigalot sa ginanap na ASEAN-Australia Special Summit sa kabila ng ng tensyon sa West Philippine Sea.

Sinabi ni Romualdez, napapanahon ang panawagan ng pangulo sa summit dahil pinagtitibay nito ang commitment ng bansa na isulong ang stability at seguridad sa rehiyon sa pamamagitan ng dayalogo at kooperasyon.

Naging mas matatag aniya ang alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Australia na mahalagang hakbang sa gitna ng kinahaharap na geopolitical challenges.

Ibinahagi rin ng Speaker ang mga nilagdaang kasunduan sa dalawang araw na state visit ni Marcos sa Australia kabilang ang pinalakas na interoperability sa maritime domain at maritime environment.

Napagtibay umano ng kasunduan ang pangako na paiigtingin ang maritime security sa kabila ng tumitinding aktibidad ng China sa West Philippine Sea.

Pagtitiyak ni Romualdez, makakaasa si Pangulong Marcos na susuportahan ng Kamara ang mga inisyatiba na magpapanatili sa kapayapaan sa rehiyon at ang matapang na paninindigan nito sa pagtatanggol sa teritoryo at soberanya ng bansa.

Sa pahayag ng punong ehekutibo sa Leader’s Plenary Session sa summit, pinasalamatan nito ang Australia sa pagsuporta sa rule of law, sa 1982 UNCLOS at sa 2016 Arbitral Award na nagbabasura sa “claims” ng China sa WPS.