Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa pagsasabatas ng tatlong mahahalagang panukala na naglalayong gawin ang pagkakapantay-pantay sa edukasyon, pagpapabilis ng passport services at pagpapalakas ng industriya ng asin.
Ayon kay Speaker Romualdez ang mga bagong batas ay nagpapakita ng determinasyon ng administrasyong Marcos na mapabuti ang kalagayan ng mga Pilipino.
Nilagdaan ng Pangulo bilang batas ang Republic Act (RA) 11983 o ang New Philippine Passport Act; RA 11984, na mas kilala bilang No Permit, No Exam Prohibition Act; at RA 11985 o ang Philippine Salt Industry Act.
Ikinagagalak din ni Speaker Romualdez ang pagsasabatas ng RA 11984, na nagbabawal “no permit, no exam” policy sa lahat educational institutions upang maiwasan umano ang hindi pagbibigay ng pagsusulit sa mga estudyante na hindi pa nakakabayad ng matrikula.
Iginiit pa ni Romualdez na mahalaga ang pagbibigay ng pantay na pagkakataon sa lahat ng mga estudyante na matupad ang kanilang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.
Sa ilalim ng mga probisyon ng batas, kabilang sa sinasaklaw nito ang lahat ng pampubliko at pribadong institusyon (K to 12), higher educational institution at technical-vocational institution na nagbibigay ng long-term courses na higit sa isang taon.
Inaatasan din ng batas ang Department of Social Welfare and Development na tukuyin ang “disadvantaged students” at ang pagbibigay ng katibayan sa mga mag-aaral na biktima ng kalamidad, emergency, force majeure, at iba pang mga kadahilang hindi maiiwasan kaya hindi nakabayad ng matrikula ang mga ito.
Bagamat mandato ng batas ang pagpapahintulot ng mga paaralan na bigyang pagsusulit ang mga mag-aaral kahit walang permit, pinayapayagan pa rin ang mga institusyon na humingi ng promissory notes, gumamit ng legal at administratibong hakbang upang makakolekta ng bayad.
Gayunman, obligado pa rin ang mga educational institution na ibigay sa mga mag-aaral ang record at credentials ayon sa kanilang mga patakaran at regulasyon.
Hinimok din ni Speaker Romualdez ang mga paaralan na sundin ang mga probisyon ng RA 11984 at pagbibigay ng kinakailangang tulong para sa mahihirap na mga estudyante.
Samantala, sinabi naman ni Speaker Romualdez na ang New Philippine Passport Act ay isang malaking pagbabago sa proseso ng pag-a-aplay ng pasaporte sa bansa, na ang layunin ay pabilisin ang mga hakbang at tiyakin ang pagiging accessible para sa lahat ng mamamayan.
Ang RA 11983 ang papalit sa RA 8239, na kilala bilang Philippine Passport Act of 1996, na magbibigay ng mga mahahalagang pagbabago sa sistema ng passport application.
Isa sa mga pangunahing layunin ng batas ay ang paglikha ng bagong henerasyon ng Philippine passports na nakaayon sa international standards, magbibigay ng katiyakan sa seguridad at kakayahan para sa mga Pilipinong naglalakbay.
Ang bagong passport law ay magbibigay din ng katiyakan na ang proseso ng regular passport ay mapapadali, lalo na para sa mga senior citizen, person with disabilities at mga overseas Filipino Worker.
Pinuri din ng pinuno ng Kamara ang Pangulong Marcos sa kanyang natatanging pamumuno sa pagsasabatas ng New Philippine Passport Act, na pagbibigay ng halaga ng administrasyon na itaguyod ang positibong pagbabago.
Gayundin, ayon pa kay Speaker Romualdez ang paglagda ng Punong Ehekutibo bilang batas sa RA 11985 o ang Philippine Salt Industry Development Act na ang hangarin ay ang pagpapalakas at paglikha ng pagbabago sa sektor ng asin, tungo sa matatag na paglago at kakayahang makipagkumpetensya sa iba pang mga bansa.
Nakasaad sa RA 11985 ang paglikha ng Salt Roadmap, na naglalayong mapabuti ang pagpapaunlad, pamamahala at modernisasyon sa industriya ng asin na maaaring magng daan sa pag export nito.