Pinarerepaso ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa House Committee on Health ang charter ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) upang mapaganda ang benepisyong kaloob nito sa mga miyembro.
Nais ni Speaker Romualdez na itaas sa 50 porsyento ang babayaran ng PhilHealth sa bill ng pasyente sa ospital at gawing libre ang pagpapasuri para agad na matukoy ang mga nakamamatay na sakit gaya ng kanser.
Nais ni Speaker Romualdez, sagutin ng PhilHealth ang mga critical diagnostic exams gaya ng x-ray para sa lung cancer, mammography para sa breast cancer, at pagbabakuna ng human papillomavirus (HPV) vaccine upang maiwasan ang cervical cancer, at iba pa.
Sinabi ni Romualdez ang PhilHealth ay dapat na magtrabaho gaya ng isang Health Maintenance Organization (HMO) na nakatuon sa pangangalaga sa kalusugan ng mga Pilipino sa halip na ang inaatupag ay ang paglalagak ng kapital sa mga bangko at bonds.
Paliwanag ni Speaker Romualdez na layunin ng pagrepaso na matugunan ang mga balakid sa pagkamit ng mga Pilipino ng dekalidad na pangangalagang pangkalusugan at matiyak na ang operasyon ng PhilHealth ay nakabatay sa interes ng publiko.
Bukod sa paghahanap ng paraan upang maitaas ang benepisyong nakukuha ng mga miyembro, sinabi ni Speaker Romualdez na sisilipin din ang investment strategy ng PhilHealth upang matiyak na napakikinabangan ito ng husto.
Iginiit ni Speaker Romualdez ang pangangailangan na matugunan ang pangangailangang pangkalusugan ng mga Pilipino.
Bukas, Miyerkules, Pebrero 14,2024 nakatakdang magsagawa ng pagdinig ang House Committee on Health kaugnay ng direktiba ni Speaker Romualdez.