Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang mamimigay ng P3 bilyon cash assistance sa may 1 milyong benepisyaryo sa loob ng lamang ng isang araw.
Ito ay ang opisyal na paglulunsad ng bagong ayuda program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr.
Si Speaker Romualdez ang isa sa mga nagsulong ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na pinamumunuan ni Sec. Rex Gatchalian.
Sa ilalim ng 2024 national budget ay may nakalaang P26.7 bilyon para sa iba’t ibang programa na pantulong sa mga mahihirap, “near-poor,” minimum wage earners, low-income earners at iba pang nangangailangan ng ayuda.
“Sa utos ng Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., binuo natin ang programang ito para tulungan ang ating mga kababayang mahihirap na apektado ng pagtaas ng mga presyo o inflation,” dagdag pa ni Speaker Romualdez.
Ang AKAP program ay kabilang sa mga programa na inaprubahan ng Kongreso at nakapaloob sa 2024 General Appropriations Act na nilagdaan ni Pangulong Marcos.
Sa paglulungsad kahapon, ang bawat isa sa 1,002,000 benepisyaryo ng AKAP sa 334 lugar ay makatatanggap ng P3,000 o kabuuang P3 bilyon.
Gamit ang kredong “Isang Araw, Isang Milyon, Isang Bayan,” ang aktibidad ngayong araw ay sabay-sabay na isasagawa sa 334 lugar, kung saan bawat lugar ay mayroong 3,000 benepisyaryo.
Ang ayuda component ng 2024 budget ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa.
Ang AKAP ay isinulong ng Kamara de Representantes upang maproteksyunan ang mga kumikita subalit kulang at mapigilan na bumagsak ang mga ito sa below poverty line.
“Sa pamamagitan ng AKAP, masisiguro natin na kahit sa panahon ng krisis, walang Pilipinong maiiwan. Ito ang misyon na ibinigay sa atin ng Pangulong Marcos, Jr. Ang tiyakin na bawat Pilipino ay may maaasahang kakampi na handang umalalay sa panahon ng pangangailangan,” sabi pa ni Speaker Romualdez. “Sa anumang panahon. Saan mang sulok ng bansa.”