Pinuri ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa pagkakatalaga kay Police Maj. Gen. Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP), na isang “no-nonsense leader” na may tapang, integridad, at kakayahang pamunuan ang kapulisan sa isang kritikal na panahon.
Sinabi ni Speaker Romualdez na sa kabila ng matinding pagsubaybay ng publiko at political pressure ay nanatiling matatag si Torre sa pagpapatupad ng batas at pagsasagawa ng mga sensitibong operasyon.
Binigyang-diin ng pinuno ng Kamara na mayroong 306 na miyembro na ang pagkakatalaga kay Torre ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay nagpapakita ng matinding panawagan para sa institusyonal na reporma sa PNP kasunod ng paulit-ulit na panawagan para sa internal cleansing at modernisasyon nito.
Si Torre, miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class of 1993, ay dati nang humawak ng mga mahahalagang posisyon sa PNP gaya ng pagiging district director ng Quezon City Police District at regional operations head ng National Capital Region Police Office.
Kilala siya sa pagiging bukas sa publiko at sa malinis niyang pamamalakad.
Sinabi ni Speaker Romualdez na handang tumulong ang Kamara sa pamunuan ni Torre sa pamamagitan ng pagpasa ng mga kinakailangang mga batas at pondo upang epektibong maisakatuparan ng PNP ang tungkulin nito.