Nangako si Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez na isusulong ang patuloy na pag-unlad ng Aurora kasabay ng kanyang pagtiyak na walang maiiwang lalawigan sa kaunlaran.
Ginawa ni Speaker ang pahayag sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-46 na anibersaryo ng Pagkakatatag ng Lalawigan ng Aurora at ika-137 Kaarawan ni Doña Aurora Aragon-Quezon, na ginanap sa kapitolyo ng lalawigan sa bayan ng Baler kahapon Miyerkoles.
Iginiit ni Romualdez na ang pag-unlad ay hindi dapat nakalaan lamang sa mga lungsod at iba pang urban na lugar.
Idinagdag niya na ang lalawigan ng Aurora ay patunay na “kapag tayo ay nagtutulungan, inuuna ang paglilingkod kaysa pansariling interes, at nagtitiwala sa isa’t isa—walang imposible.”
Hinimok din ng pinuno ng Mababang Kapulungan ang kanyang kapwa lingkod-bayan na “muling tuparin ang pangakong iyon.”
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Speaker Romualdez ang mahahalagang kontribusyon ng Aurora sa bansa at ang pamana ni Doña Aurora Aragon-Quezon.
Binigyang-diin niya na ang pagiging taga-Aurora ay hindi lang tungkol sa pagiging ipinanganak sa lalawigan, kundi tungkol din sa pagpapahalaga sa mga katangian nito—sipag, tiyaga, malasakit, at bayanihan.
Bilang pagkilala kay Doña Aurora Aragon-Quezon, inilarawan siya ni Speaker Romualdez bilang “isang babaeng hindi naghangad ng katanyagan, ngunit ang kanyang liwanag ay nananatiling buhay sa puso ng kanyang mga kababayan.”