Suportado ng African Union (AU) ang panawagan na wakasan na ang paggamit ng 16th-century Mercator map ng mga pamahalaan at pandaigdigang institusyon, kapalit ng mas makatotohanang size representation ng mga kontinente gaya ng Equal Earth projection.
Ayon kay AU Commission Deputy Chairperson Selma Malika Haddadi, pinaliliit ng Mercator projection ang Africa at South America habang pinalalaki naman ang North America at Greenland, na nagbibigay ng maling pananaw na ang Africa ay “marginal” o hindi mahalaga —sa kabila ng pagiging pangalawang pinakamalaking kontinente na may 54 bansa at mahigit isang bilyong populasyon.
Pinangunahan ng mga grupong Africa No Filter at Speak Up Africa ang kampanyang “Correct The Map” na layong ipalit ang Equal Earth projection, na mas tama sa sukat ng mga kontinente.
Dagdag pa ng grupong Speak Up Africa, layon nilang maipatupad ang Equal Earth bilang pangunahing mapa sa mga silid-aralan sa buong Africa, upang maitaguyod ang tamang pagkakakilanlan ng mga Aprikano.
Bagaman inabandona na ng ilang tech company gaya ng Google ang Mercator sa ilang platform, nananatili pa rin itong default map projection sa karamihan ng mobile apps at institusyon sa buong mundo.
Nais ng kampanya na tanggapin din ng mga institusyon tulad ng World Bank at United Nations ang Equal Earth map.
Ngunit ayon sa World Bank, ginagamit na nila ito sa ilang static maps at unti-unti nang tinatanggal ang Mercator sa mga web-based maps.