-- Advertisements --

Inimbitahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ang international business community nitong Miyerkules ng hapon (oras sa Switzerland) sa gaganaping World Economic Forum (WEF) Roundtable sa Pilipinas sa Marso.

Ayon kay Speaker Romualdez pangungunahan ito ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. and pagpupulong kung saan ibibida ang natatanging bentahe ng Pilipinas bilang nangungunang destinasyon para sa foreign investment.

Ipinaabot ni Speaker Romualdez, ang namuno sa Philippine delegation sa WEF 2024 Annual Meeting, ang imbitasyon sa kanyang mensahe sa pagtatapos ng “Learning from ASEAN” session sa World Economic Forum Annual Meeting live panel discussion na kung saan nagsilbing tagapamagitan ang CNN anchor na si Julia Chatterley.

Kasama ni Romualdez sa panel discussion sina Vietnam Prime Minister Pham Minh Chinh, Thailand Prime Minister Srettha Thavisin, at Ngozi Okonjo-Iweala, Director-General ng World Trade Organization (WTO), Geneva.

Ang World Economic Forum Country Roundtable on the Philippines ay isang espesyal na in-person event. Inaasahan na gaganapin ito sa Malacanang Presidential compound sa Maynila.

Inaasahang dadalo dito ang nasa 50 mga kinatawan mula sa mga lokal at international na kompanya at organisasyon na karamihan ay may kaugnayan sa foreign fund at investment na nagpahayag ng interes sa Maharlika Investment Fund.

Tututok ang pulong sa usapin ng sustainability, ugnayan sa pagitan ng digitalization, infrastructure development, at energy transition. Ito ang kauna-unahang high-level roundtable na gaganapin sa Asia-Pacific region matapos ang pandemya.

Naniniwala si Romualdez na malaking oportunidad ito para pagsamahin ang mga kinatawan mula pribado at pampublikong sektor.

Inihayag din ni Romualdez ang plano ng Pilipinas na bumuo ng isang legal framework sa ASEAN na magsisilbing panuntunan sa paggamit ng artificial intelligence oras na maging tagapangulo ng regional block sa 2026.

Idiniin ni Romualdez na mahalaga ang gabay na sa Pilipinas kung saan malaking banta sa business process outsourcing sector ang tumataas ang paggamit ng AI.