-- Advertisements --

Ikinalugod ni Speaker Martin Ferdinand Martin Romualdez ang positibong pagtaya ng World Economic Forum (WEF) na ang Pilipinas ay posibleng maging $2-trillion economy sa susunod na dekada.

Ang inaasahang paglago ng ekonomiya ay maihahanay sa bansang Canada, Italy, at Brazil.

Sinabi ni Speaker Romualdez na ang projection ni World Economic Forum, President Børge Brende ay sumasalamin sa isang makabuluhang milestone sa paglalakbay ng ating bansa tungo sa paglago sa ekonomiya ng Pilipinas.

Ang paglago ay hindi lamang isang istatistika ito ay kumakatawan sa pagbabago sa buhay ng ating mga mamamayan.

Maiuugnay aniya ito sa strategic investments sa edukasyon, imprastraktura at workforce development na nagpapalakas sa kapakanan at oportunidad para sa mga Pilipino.

Kumpiyansa rin ang House leader na base sa purchasing power at kung magtutuluy-tuloy ang sustainable growth na 7 hanggang 8 percent kada taon ay maaabot ng bansa ang trillion-dollar mark.

Pinuri naman ni Romualdez ang matatag na ekonomiya at fiscal strategy ng gobyerno na nagpaangat sa Pilipinas bilang nakaeengganyong destinasyon para sa foreign investments.

Dagdag pa ng Speaker, mahalaga ang papel ng legislative action partikular ang pag-amiyenda sa restrictive economic provisions ng 1987 Constitution na naglalayong alisin ang balakid sa foreign investment na lumilikha ng trabaho at nagpapabuti sa public services.

Gayunman, kailangan umanong i-streamline ang mga proseso sa gobyerno at itaguyod ang business-friendly environment upang samantalahin ang oportunidad sa mga sektor gaya ng manufacturing.