Hangad ni House Speaker Martin Romualdez ang matagumpay na pag host ng Pilipinas sa FIBA World Cup 2023, kasabay ng kaniyang pagbibigay ng todong suporta.
Ang nasabing event ay mahalagang okasyon na pupukaw sa atensyon ng mga mahilig sa basketball.
Sinabi ni Speaker Romualdez, na malaki ang kanyang paniniwala na ang Pilipinas, na kilala sa pagmamahal nito sa basketball, ay magniningning hindi lamang sa ipakikita nitong kahusayan sa pagsasaayos ng kompetisyon kundi maging sa mayamang kultura nito ng basketball.
Kasama ng Pilipinas bilang co-host ng kompetisyon ang Indonesia at Japan.
Ipinarating ni Speaker Romualdez ang kanyang pasasalamat at pagbati sa mga manlalaro na lalahok sa kompetisyon kasama ang 12 miyembro ng Gilas Pilipinas.
Umaasa rin si Speaker Romualdez na ang kompetisyon ay magsisilbing natatanging oportunidad upang lumikha ng mga hindi malilimutang ala-ala, saksi sa natatanging mga laro, at magpapalakas sa pakikipagkaibigan ng mga tao mula sa iba’t ibang lugar.