-- Advertisements --

Sinabihan ni House Speaker Martin Romualdez ang mga foreign investors na ngayon umano ang tamang panahon para mamuhunan sa Pilipinas lalo na at naitayo na ang Maharlika Investment Fund (MIF).

Ginawa ni Romualdez ang pahayag sa “Breakfast Interaction with the Philippine Delegation to the 2024 World Economic Forum” (WEF) roundtable discussion noong Miyerkoles (oras sa Switzerland).

Sa kanyang welcome remarks, tinukoy ni Speaker Romualdez ang magandang itinatakbo ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na nagpatupad ng mga reporma upang maging investment-friendly ang Pilipinas gayundin ang magandang pangitain sa bagong tatag na MIF.

“We are extremely optimistic in the continued growth of the Philippine economy and the potential of the MIF and look forward to a fruitful partnership with our investors as we build a better, brighter future for our countrymen,” dagdag pa nito.
Gaya ng ibang bansa, sinabi ni Speaker Romualdez na nakaranas ng pagsubok ang Pilipinas sa mga nagdaang taon dulot ng coronavirus pandemic.

Nagbunga umano ang mga repormang isinagawa at naitala ang GDP growth ng 5.9 porsyento sa ikatlong quarter ng 2023, na nasundan ng 6.2 porsyentong GDP growth sa huling quarter ng nakaraang taon.

Nabuo ang MIF sa pamamagitan ng isang batas at titipunin ang pondo mula sa pampubliko at pribadong sektor, sa loob at labas ng bansa.

Gagamitin ito sa mga malalaking proyekto na kailangan ng bansa gaya ng imprastraktura, petrolyo, kuryente, mineral processing, turismo, at transportasyon.

Binanggit din ni Speaker Romualdez na nagkakasundo ang Senado at Kamara sa pangangailangan na amyendahan ang Konstitusyon upang mas maging competitive ang Pilipinas pagdating sa pamumuhunan.

Nakasama ni Romualdez upang sumagot sa tanong ng mga dumalo sina Maharlika Investment Corporation CEO at President Rafael Consing, Jr., Energy Secretary Raphael Lotilla, Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona, Permanent Representative to the World Trade Organization Ambassador Manuel AJ Teehankee, Philippine Ambassador to Switzerland Bernard Faustino Dy, at BSP Deputy Governor Berna Romulo-Puyat.