Malugod na tinanggap ni House Speaker Bojie Dy III si International Atomic Energy Agency (IAEA) Director General Rafael Mariano Grossi ng mag courtesy call ito sa Kamara ngayong araw.
Ito ay bilang bahagi ng pagsisikap ng bansa na pag-aralan ang potensyal ng nukleyar na enerhiya para sa pangmatagalang katatagan sa kuryente.
Ayon kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III, mahalaga ang pagbisita upang direktang makapagpalitan ng kaalaman ang mga mambabatas at IAEA, lalo na’t patuloy ang push ng Pilipinas para sa mas matatag na energy security.
Ipinunto rin ni Speaker Dy ang matagal na pangako ng Pilipinas sa mapayapang paggamit ng nukleyar, na tugma sa mandato ng IAEA.
Ang pulong ay kasunod ng pagtibay ng Philippine Nuclear Law at ng anunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na palalawakin ng Pilipinas ang papel nito sa ASEAN sa usaping nukleyar pagsapit ng 2026.
Tiniyak ni Speaker Dy na handang suportahan ng Kamara ang mga polisiya sa enerhiya na nakabatay sa kaligtasan, transparency, at pangmatagalang benepisyo.










