-- Advertisements --

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos ang mga lokal na opisyal na patuloy na maging tapat at masigasig sa paghahatid ng de-kalidad na serbisyo dahil ang mga tapat na lingkod-bayan ang pundasyon ng tagumpay ng anumang pampublikong proyekto.

Ayon sa Pangulo, ang mga dedikado at tapat na public servants ay may malaking papel sa tagumpay ng proyekto ng gobyerno.

Sinabi ng Pangulo na  ang tagumpay ng Bagong Pilipinas ay bunga ng sama-samang pagkilos, hindi lamang ng iisang lider o sektor.

Ibinigay ang parangal sa siyam na LGU bilang Top Overall Performers, 126 bilang Exemplars, at tatlong DILG Regional Offices bilang pagkilala sa kanilang matatag na kolaborasyon, tapat na proseso, at maagap na pagtugon sa pangangailangan ng bayan.

Kabilang sa mga Top Overall Performers ang sumusunod na LGU at ang kanilang mahahalagang proyekto:

Mountain Province – Upgrading ng Ampawilen-Sadanga Provincial Road

Aklan – Rehabilitation at improvement ng Balete-Arcanghel-Ogsip-Calamcan-Julita-Libacao Road (Phase 3)

Zamboanga Sibugay – Concreting ng Pangi-Guitoan-Gomotoc-Malagandis Provincial Road

Pasig City – Major improvement sa Mega Dialysis Compound

Science City of Muñoz – Konstruksyon ng multi-purpose building

Victorias City – Konstruksyon ng two-storey evacuation center at multi-purpose building

Victoria, Oriental Mindoro – Konstruksyon ng health station

Sumilao, Bukidnon – Konstruksyon ng multi-purpose building sa Barangay Kisolon

Magpet, Cotabato – Konstruksyon ng Basak Water System Level III sa Barangay Basak

Kinilala rin ang tatlong DILG Regional Offices mula sa National Capital Region (NCR), Eastern Visayas (Region VIII), at SOCCSKSARGEN (Region XII) dahil sa kanilang makabago at epektibong monitoring initiatives para sa mga LGU infrastructure projects. 

Itinatag noong 2021 ng DILG ang SubayBAYANI Awards upang kilalanin ang mga LGU na matagumpay na nagpapatupad ng mga proyekto habang isinusulong ang transparency, pananagutan, at aktibong partisipasyon ng mamamayan.

Ang mga parangal ay ibinibigay sa lahat ng mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad na may mga proyektong nakarehistro sa SubayBAYANI Portal.