-- Advertisements --

Pormal nang sinimulan ng Kamara ang pagbuo ng panukalang Bayanihan 3 upang tugunan ang matinding epekto ng krisis sa langis sa bansa. 

Sa ilalim ng direktiba nina Speaker Faustino Bojie Dy III at House Majority Leader Ferdinand Alexander Sandro Marcos, binuo ang Legislative Energy Action and Development o LEAD Joint Committee na binubuo ng 13 komite upang harapin ang epekto na dulot ng digmaan sa Middle East.

Sa nasabing pulong, binigyang-diin ni Marikina Representative Miro Quimbo ang pangangailangan para sa isang komprehensibong package na hihigit sa simpleng ayuda lamang. 

Ayon kay Quimbo na siya ring tumatayong lead chairman ng LEAD Joint Committee ay hindi na lamang ito isang pansamantalang abala kundi isang malalim na kahinaan sa istruktura ng ekonomiya na epekto ng Middle East crisis.

Sinabi ni Quimbo na kung nagkaroon ng Bayanihan 1 at 2 noong panahon ng pandemya ay nararapat lamang na bumuo ng Bayanihan 3 para sa kasalukuyang krisis. 

Idinagdag niya na halos 100 porsiyento ng suplay ng langis sa Pilipinas ay inaangkat mula sa ibang bansa kaya nakatali ang ekonomiya sa pandaigdigang sitwasyon. 

Sa kasalukuyan ay pumalo na sa halos P110 ang presyo ng gasolina kada litro habang ang diesel naman ay nasa P130 na nagpapahirap sa sektor ng transportasyon at agrikultura.

Ipinaliwanag ni Quimbo na hindi lamang ang mga mahihirap ang dapat tulungan kundi pati na rin ang middle class na madalas nakakaligtaan sa mga emergency intervention ngunit labis ding tinatamaan ng pagtaas ng presyo ng bilihin. 

Pinuri rin niya ang Ehekutibo sa mga hakbang nito gaya ng paghahanap ng alternatibong mapagkukunan ng krudo at ang pamamahagi ng subsidies para sa mga manggagawa sa transportasyon.