Inamin ng Department of Justice (DOJ) na may posibilidad na nakalabas na sa hurisdiksyon ng Czech Republic ang pinaghahanap na dating kinatawan ng Ako Bicol party-list na si Zaldy Co.
Sa isang panayam sa Prague, nilinaw ni Justice Secretary Frederick Vida na walang hawak na kasiguraduhan ang Pilipinas na mananatili sa nasabing bansa ang dating mambabatas, na nauna nang naiulat na inilagay sa immigration detention.
Nang tanungin ng media kung may garantiya ba mula sa Czech authorities, direktang sinabi ng kalihim na kailangang irespeto ang batas ng naturang bansa.
Nang usisain naman kung may posibilidad na nakalabas na ito ng bansa, maikling tugon ni Vida na posible ito.
Kasabay nito, kinumpirma rin ng kalihim na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa nakakapaglabas ng red notice ang Interpol laban sa akusado.
Ayon sa opisyal, may mga karagdagang dokumento na ang dadalhin ng isang pangkat mula sa Pilipinas upang palakasin at suportahan ang aplikasyon ng bansa para sa nasabing red notice.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na ang Philippine Embassy para pormal na makapulong ng delegasyon ang Ministry of Justice ng Czech Republic.
Layunin ng inaasahang pulong na maberipika ang impormasyon tungkol sa detention ni Co at matukoy ang mga legal na paraan upang mapabalik ito sa Pilipinas.
Idinagdag ni Vida na ang kanilang ultimate objective ay malaman kung kailan at paano maiuuwi ang akusado.
Si Co ay nahaharap sa mga kasong corruption at malversation sa Pilipinas. Nag-ugat ang mga reklamo dahil sa mga umano’y iregularidad na kinasasangkutan nito kaugnay ng mga flood control projects ng pamahalaan.
















