Naisumite na ang makapal na dokumentong kailangan ng International Criminal Police Organization (Interpol) para makapag-isyu ng red notice laban kay dating Congressman Elizaldy Co, ayon kay Philippine Center on Transnational Crime (PCTC) executive director Maj. Gen. Romeo Prestoza.
Aniya, naipadala na nila ang mga dokumento sa Interpol secretariat at ipinaliwanag na kailangan nilang bigyang-diin sa Interpol na malalaking kaso o krimen ang kinakaharap ni Co, at kinakailangan ang paglalabas ng red notice.
Ayon sa Interpol, ang red notice ay isang request sa law enforcement sa buong mundo para matunton at pansamantalang arestuhin ang isang indibidwal na wanted o pinaghahanap ng isang humihiling na member country nito o isang international tribunal kung saan may nakabinbing extradition, pagsuko o kahalintulad na legal na aksiyon.
Subalit nilinaw din ng Interpol na ito ay hindi isang international arrest warrant.
Matatandaaan, nauna nang kinumpirma ni DOJ Secretary Frederick Vida na wala na sa kustodiya ng Czech officials si Zaldy Co subalit nasa loob ito ng “Schengen Area.”
















