-- Advertisements --
received 525073681688113

Naniniwala umano si Sen. Bong Revilla na mas magiging maayos ang mga serbisyong hatid ng Southern Tagalog Regional Hospital sa ilalim ng pamumuno ng Department of Health (DoH).

Ito’y matapos pormal nang ilipat ng lokal na pamahalaan ng Bacoor sa DoH ang kontrol sa naturang ospital.

Ayon sa mambabatas, umaasa raw itong mas pagagandahin pa ng DoH ang health at medical service ng ospital at mas palalawakin pa ang sakop ng kanilang maabutan ng tulong lalo na ang mga tao na nasa marginalized sector.

Ikinatuwa rin ni Revilla ang pagsisikap nina Bacoor Mayor Lani Mercado-Revilla at Cavite 2nd District Representative Strike Revilla upang siguraduhin ang maayos na paggamit sa pondong nakalaan para sa ospital.

Maging ang pagsulong ng mga ito na maipasa ang Republic Act 11233 para ma-upgrade ang Bacoor District Hospital bilang isang Level 3 General Hospital, na ngayon ay kikilalanin na bilang Southern Tagalog Regional Hospital.

“Kasabay niyan, tuloy-tuloy na itinulak ni Mayor Lani at Congressman Strike sa Kongreso ang pagpapalawak nito sa 100-bed hospital sa ilalim ng DOH. At dahil sa pagtutulungan na ‘yan ay nandito na tayo ngayon,” ani Revilla.

Dagdag pa ng mambabatas, sisiguraduhin din nila na may nakalaang additional budget ito sa 2020 General Appropriations Act para sa pagbili ng mas malawak na lupa at pagdadagdag na rin ng karagdagang pasilidad ng ospital.

Itinuturing ang Level 3 bilang pinakamataas na category sa lahat ng general hospitals sa Pilipinas, batay na rin ito sa inilabas na guideline ng DoH.

Bago pa man itayo ang Southern Tagalog Regional Hospital ay mayroon lamang nag-iisang DoH hospital sa Calabarzon na matatagpuan sa probinsya ng Batangas.