-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Simula ngayong araw, Marso 9, required na ang mga residente ng South Korea na magpakita ng national ID kung bibili ang mga ito ng face mask.

Sa gitna ito ng patuloy na pagtaas ng mga positibo sa Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Jennifer Londres Kim mula sa Seoul, South Korea, kinumpirma nitong maaari nang bumili ang mga residente ng face mask ngunit kailangan nilang magpakita ng nasabing identification (ID) card.

Ito ang hakbang aniya ng pamahalaan upang matiyak na pareho ang dami ng mask na ibebenta sa bawat residente.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 7,000 ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa South Korea.

Kahapon, 367 ang panibagong kaso ng nakakamatay na virus sa South Korea habang umabot naman sa 49 ang namatay.

Samantala, kinumpirma rin ni Kim na bumaba ng 70% ang bilang ng mga turista na bumibisita sa kanyang tinatrabahuan na Gyeongbokgung Palace simula noong dumami ang kaso ng COVID-19 sa South Korea lalo na sa Daegu City.

Maging sila sa Gyeongbokgung Palace ay mayroon na ring hakbang upang makaiwas sa epekto ng coronavirus kagaya na lamang ng pagpapanatili ng distansya sa mga turista.