Nagsagawa ng protesta ang Vietnamese government laban sa ginawang anunsyo ng China na maglalagay ito ng dalawang distrito sa South China Sea.
Una nang sinabi ng naturang bansa na nagtatag ito ng dalawang bagong administrative districts sa Paracel at Spratly Islands.
Sa inilabas na pahayag ng tagapagsalita mula sa Foreign Ministry ng Vietnam, mariing kinokondena ng kanilang bansa ang umano’y paglabag ng China sa soberanya ng Vietnam.
Dagdag pa rito, nais ng naturang bansa na kanselahin ng China ang maling desisyon na kanilang ginawa at siguraduhin na hindi mauulit ito.
Kung maaalala, nagprotesta na rin ang Vietnam sa China noong nakaraang buwan matapos di-umano’y atakihin ng huli ang isang Vietnamese fishing boat malapit sa Parcel Islands.
Ayon sa Vietnam, binangga at hinayaan lamang ng Chinese maritime surveillance vessel na lumubog ang bangka ngunit paliwanag naman ng China na iligal daw itong nangingisda sa kanilang lugar.
Dahil sa insidente ay hinikayat ng US State Department ang China na magfocus na lamang sa pagtulong sa mga bansa na nakikipaglaban sa global pandemic sanhi ng coronavirus.