-- Advertisements --

Nagsimula na ang mga awtoridad sa South Africa ng manhunt operation matapos ang isang malagim na insidente ng pamamaril sa isang tavern sa Bekkersdal, isang township na matatagpuan sa gold-mining area malapit sa Johannesburg, na nag-iwan ng siyam (9) na katao ang patay at sampung (10) sugatan.

Ayon sa pulisya, tinatayang 12 ang hindi pa nakikilalang mga gunmen ang dumating gamit ang dalawang sasakyan, dala ang pistols at AK-47. Dito walang habas na pinagbabaril ang mga tao sa loob ng tavern noong Linggo.

Pitong lalaki at dalawang babae ang kabilang sa mga nasawi.

Sinabi ng mga awtoridad na may lisensya ang tavern, ngunit wala pang malinaw na motibo sa pamamaril.

Ayon kay Maj-Gen Fred Kekana, deputy provincial police commissioner ng South Africa, dalawa sa mga biktima ay binaril sa labas ng tavern habang tumatakas, at ang pangatlo ay isang taxi driver na naghatid lamang ng pasahero malapit sa lugar.

Sa kasalukuyan, patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon at paghahanap ang mga pulis upang matukoy ang mga suspek at ang dahilan ng pamamaril.

MALALANG KRIMEN SA BANSA

Ang South Africa ay kilala sa pagkakaroon ng isa sa pinakamataas na murder rates sa buong mundo. Ayon sa mga ulat, may average na 63 na katao ang pinapatay bawat araw mula Abril hanggang Setyembre ng taong kasalukuyan, isang alarming na bilang na patuloy na nagpapakita ng malubhang isyu ng krimen sa bansa.