-- Advertisements --

Nasa pangangalaga na ng Comelec ang source code na gagamitin para sa 2022 elections.

Itinago ito sa vault ng poll body, matapos suriin ng mga eksperto at ilang observers.

Ang source code ay nagdedetalye ng instructions para sa magaganap na halalan.

Nakapaloob kasi rito ang system para sa election management, consolidation at canvassing, pati na ang para sa vote counting machines (VCM).

Nitong Miyerkules ay ipinakita pa ang flash drive na nagtataglay ng mahalagang code.

Ibinalot din ang mga ito sa selyadong package at pinirmahan pa ang mga selyo.

Sa panahon ng halalan, pansamantalang ilalagay ang code sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Kung sakaling may kuwestyon sa proseso ng halalan, ang source code ang pangunahing sinusuri ng mga eksperto.