-- Advertisements --

Tiwala si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na makakasuhan ang lahat ng opisyal na kanilang inirekomenda na mareklamo kaugnay ng issue sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Sa isang panayam sinabi ni Sotto na masyadong obvious ang findings nang ginawa nilang pagdinig sa Commitee of the Whole, kaya tiyak na masasampahan talaga ng kaso ang mga opisyal.

Kabilang sa inirekomenda ng Senado na makasuhan sina PhilHealth board chairman at Health Sec. Francisco Duque III, dating president Ricardo Morales, at iba pang mga nagbitiw pa na vice presidents at kawani.

Nag-ugat ang rekomendasyon sa kinuwestyong pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM) sa mga ospital.

Hindi raw naniniwala si Sotto sa kapangyarihan nang sinasabing tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Duque, lalo na kung malinaw ang mga ebidensya laban sa kanya.

Kung maalala, una nang umalma ang Health chief sa Senate findings. Pero nangako ito ng pakikipagtulungan sa imbestigasyon.