-- Advertisements --

Itinutulak ng ilang kongresista na maibalik sa orihinal na budget proposal ang pondo ng Office of the Ombudsman sa 2022.

Sa deliberasyon ng House committee on appropriations, iginiit nina House Minority Leader Joseph Stephen Paduano at Deputy Speaker Rufus Rodriguez na makakaapekto sa performance ng Ombudsman ang pagbaba ng kanilang pondo para sa susunod na taon.

Ayon kay Assistant Ombudsman Weomark Layson na P3.967 billion lamang ang inirekomendang pondo ng Department of Budget and Management (DBM) sa kanila sa ilalim ng National Expenditure Program.

Ito ay P710.885 million o 17.91 percent na mas mababa kumpara sa budget ng Ombudsman ngayong 2021, at P831.471 million o 20.95 percent na mas mababa naman kumpara sa orihinal na proposal na P4.798 billion.

Ayon kay Paduano, ang budget cut sa Ombudsman ay makaapekto sa pagusad ng mga kasong nakabinbin partikular na ang mga administrative at criminal cases na kinakaharap ng mga kandidatong tatakbo sa 2022 election. 

Para naman kay Rodriguez, ang mababang budget allocation para Ombudsman ay paglabag sa Saligang Batas at sa Ombudsman Act.

Malinaw aniyang nakasaad sa Konstitutsyon at sa umiiral na batas na hindi dapat mababa ang proposed budget para sa Ombudsman kumpara sa existing budget allocation nito.