-- Advertisements --

Nakiusap ang ilang mga kongresista sa Department of Agriculture (DA) na bigyan ng tulong pinansyal na hindi na kailangan pang bayaran ang mga magsasaka at mangingisda na apektado nang pagputok ng Taal Volcano.

Naniniwala si Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun, na sapat naman ang mga buwis na nalikom ng pamahalaan para gamitin bilang emergency aid.

“Dear Department of Agriculture, please do not give loans to farmers who already lost everything because of the Taal Volcano eruption. Must be outright grants with no repayment provision. Nawala na nga sa kanila ang lahat, pagbabayarin pa?” ani Fortun.

Maging si Deputy Speaker Mikee Romero ay binigyan diin na dapat unconditional cash grants o hindi kaya ay interest-free loans ang ipagkaloob sa mga magsasaka at mangingisda na ito.

Bukod dito, mainam din ayon kay Romero kung mabigyan din ng livelihood recovery aid ang mga apektadong indibidwal.

Naiisip din nina Romero at Fortun na ilipat ang mga ito sa mas ligtas na lugar kung saan maari pa rin silang makapaghanap buhay katulad na lamang sa fishing towns ng Laguna de Bay ngayong hindi na rin sila maari pang bumalik sa volcano island.

Panawagan nila sa ngayon sa Department of Human Settlements na magpatupad ng programa para sa housing at distribusyon ng sakahan sa mga magsasaka na walang interest at may low-installment payment arrangements.