-- Advertisements --

Ikinatuwa ng ilang kongresista ang naging desisyon ng Presidential Electoral Tribunal (PET) na ibasura ang electoral protest na inihain ni dating Sen. Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Sa isang statement, sinabi ni House Committee on Constitutional Amendment chairman Alfredo Garbin na sa pamamagitan ng unanimous decision ng PET nawa ay mahinto na rin ang mga pagdududa sa pagkakapanalo ni Robredo sa halalan noong 2016.

Para naman kay House Deputy Minority Leader Carlos Isagani Zarate, “long awaited” na ang desisyon na ito ng PET.

Panahon na rin aniya na matuldukan na ang issue na ito lalo pa at halos isang taon na lamang ay halalan na ulit.

Pagkakataon na rin aniya ito para kay Robredo para makapag-concentrate sa kanyang trabaho.

Maging si Kabataan party-list Rep. Sarah Elago ay ikinatuwa rin ang unanimous dismissal sa electoral protest ni Marcos.

Nagpahayag naman ito ng kanyang pagsuporta para kay Robredo at sa laban nito para sa karapatang pantao at sa pagkakaroon ng ligtas at kalidad na edukasyon sa mga mag-aaral.