Nanawagan si Marikina City Rep. Stella Quimbo sa pamahalaan na payagan ang ilang traditional jeepneys at UV Express sa Metro Manila na makabalik sa kanilang operasyon.
Sinabi ni Quimbo, na isang ekonomisya, malaki ang pagkakaiba sa bilang ng mga traditional jeepneys kung ikumpara sa modern jeepneys.
Sa kasalukuyan nasa 300 aniya ang bilang ng mga modern jeepneys habang 75,000 naman ang traditional jeepneys.
Kadalasan, sa Metro Manila, ang traditional jeepneys pa rin aniya ang sinasakyan ng karamihan sa mga manggagawa papunta sa kanikanilang mga trabaho.
Kasabay nito ay binigyan diin ni Quimbo na nasa P1 billion na income ang nawawala sa Metro Manila kada araw sa gitna ng COVID-19 crisis.
Ito ay dahil aniya maraming mga manggagawa, lalo na iyong sakop ng “no work, no pay” basis, ay hindi nakakapaghanap-buhay dahil sa hindi sila makapunta sa kanikanilang mga pinagtatrabahuhan bunsod ng kakulangan sa public transportation.
Base sa kanyang tantya, nasa 2.4 million ng 5.3 million manggagawa sa Metro Manila ang nangangailangan ng public transportation para makapasok sa kanilang trabaho.
Sa 80 percent ng mga available buses na pinayagan makapag-operate sa 30 percent na kapasidad, tanging 418,000 manggagawa lamang ang makakasakay sa public transportation para makapasok sa trabaho.
Sa ngayon, hindi pa rin pinapapahintulutan ang mga traditional jeepneys at UV express na makabiyahe sa Metro Manila dahil parin sa iba’t ibang health concerns.