-- Advertisements --

Pumalag si ACT Teachers party-list Rep. France Castro sa muling pagpapaliban ni Pangulong Rodrigo Duterte sa proposal na magkaroon na ng pilot test sa in-person classes sa ilang piling lugar sa bansa.

Sa mensahang ipinadala nito sa Bombo Radyo, sinabi nI Castro na ang mga guro at mga estudyante pa rin ang “pinahihirapan” ni Pangulong Duterte sa halip na si vaccine czar Carlito Galvez dahil sa kabagalan daw nang pagdatin ng mga bakuna sa Pilipinas.

Dapat tanggalin na aniya ni Pangulong Duterte si Galvez dahil sa incompetence ng administrasyon at ng COVID-19 task force ay ang mamamayan ang nagdurusa.

Sa isang briefing nitong tanghali, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na hindi pinayagan ni Pangulong Duterte ang proposal na magkaroon ng face-to-face classes dahil hindi pa rin dumarating sa Pilipinas ang supply ng COVID-19 vaccines.

Ayon kay Castro, ang mungkahi na magkaroon ng in-person classes ay hindi naman para sa lahat ng lugar kundi lilimitahan lamang sa mga zero at low risk areas.

Bukod dito, lilimitahan din ang bilang ng mga estudyanteng papayagang pisikal na makapunta sa mga paaralan, pati rin ang oras at araw ng kanilang pasok.

Boluntaryo lamang din aniya dapat ito, at dapat tiyakin din ng pamahalaan na mayroong sapat na sanitation facilities sa mga paaralan na ito.

Iginiit din ni Castro na mga guro na ang nagsabi na hindi na nagiging epektibo ang blended learning kaya ngayon pa lamang ay dapat na aniyang paghandaan ng DepEd ang ligtas na face-to-face classes.