Inirekominda ni Baguio City Rep. Mark Go sa Office of Civil Defense na pag-aralan ang posibilidad na magkaroon ng ibang daanan para sa tubig sa papakawalan ng mga dams sa bansa upang maiwasan ang pagbaha sa ilang mga lugar.
Ginawa ni Go ang naturang rekomendasyon sa consultation meeting ng House Special Committee on North Luzon Growth Quadrangle kasunod ng matinding pagbaha sa lalawigan ng Cagayan at Isabela bunsod ng bagyong Ulysses.
Sinabi ni Go na hindi sapat na basta abisuhan lamang ang publiko sa posibleng maranasang pagbaha sa tuwing magpapakawala ng tubig ang mga dams sa bansa.
Isa sa mga long-term solution na naiisip ni Go ay ang pagkakaroon ng panibagong daanan para sa tubig na papakawalan ng mga dams na malayo sa mga bahay at taniman.
Ito ay para na rin maiwasan ang matinding pagbaha tulad nang nangyari sa lalawigan ng Cagayan at Isabela nang buksan ng pamunuan ng Magat Dam ang pitong gates nito noong nakaraang linggo.
Bukas naman ang OCD sa suhestiyon na ito ni Go.
Ayon kay OCD 2 – Dir Harold Cabreros, ikokonsidera nila ang rekomendasyon ni Go sa kanilang ginagawang wholistic approach.
Sa isang panayam, sinabi ni Isabela Governor Rodito Albano III na ang pagbaha na kanilang nakaranasan noong nakaraang linggo ay pinakamatindi sa nakalipas na apat na dekada.