-- Advertisements --

Hinimok ni AAMBIS OWA party-list Rep. Sharon Garin ang mga ahensyang nangangasiwa sa disbursement nang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2) funds na bilisan ang release sa mga pondong ito.

Ito ay matapos na aprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8063, na nagpapalawig nang availability ng Bayanihan 2 funds hanggang Hunyo 30,2021 kasunod nang paglalabas ng sertipikasyon si Pangulong Rodrigo Duterte para pabilisin ang approval nito.

Ayon kay Garin, base sa latest report ng Department of Budget and Management (DBM) nasa P60 billion pa ng pandemic response at recovery fund ang hini nailalabas.

Anumang delay dito ay disservice aniya sa taumbayan, pati rin sa mga programa at proyektong nakadetalye sa Republic Act No. 11494 na mahalaga sa recovery path na naisip ng Kongreso.

Kahapon, sa pamamagitan ng 179 affirmative votes, anim na negative votes, at zero abstention ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8063.

Layon ng panukalang batas na ito na palawigin hanggang Hunyo 30, 2021 ang availability ng Bayanihan 2 funds, na nakatakda sanang mapaso sa darating Disyembre 19, 2020.