Nanawagan si Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez sa DSWD na ibigay ang P500 buwanang pension ng ilang milyong indigent senior citizens kada tatlong buwan, sa halip na kada anim na buwan.
Sa kanyang inihain na House Resolution No. 1047, binigyan diin ni Rodriguez na maraming Pilipino ang apektado ng COVID-19 pandemic.
At dahil sa implementasyon ng lockdowns at quarantines sa nakalipas na mga buwan, iginiit ng kongresista maraming mga negosyo ang apektado, marami ang nawalan ng trabaho, kabilang na ang mga senior citizens.
“Now more than ever, these indigent senior citizens need financial assistance from the government,” saad ng kongresista.
Kaya mainam aniya na maibigay na sa lalong madaling panahon ang pensyon ng mga senior citizens, na kadalasang ginagamit nila pambili ng maintenance na gamot, pagkain at iba pang essentials.
Nabatid na base sa memorandum circular ng DSWD, P500 kada anim na buwan o P3,000 kada semester ang ibinibigay sa indigent senior citizens.
Ngayong 2020, nasa P23.2 billion ang alokasyon para rito sa ilalim ng pambansang pondo, na hahatiin at ibibigay sa mahigit 3 million beneficiaries.