Hinimok ni Muntinlupa City Rep. Ruffy Biazon ang Bureau of Corrections (BuCor) na isapubliko ang impormasyon hinggil sa pagkamatay ng mga inmates sa National Bilibid Prison (NBP).
Ito ay matapos na kumpirmahin ni BuCor chief Gerald Bantag na mayroong mga bilanggo sa NBP ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19, pero tumangging isiwalat ang pagkakakilanlan ng mga ito dahil sa Data Privacy Act.
Nabatid na 21 bilanggo mula sa national penitentiary ang nagpositibo sa COVID-19 ang pumanaw na magmula noong Marso, ayon kay Bantag.
Ayon kay Biazon, ang pagkamatay ng mga bilanggo sa ilalim ng kustodiya ng gobyerno ay hindi dapat itago sa pamamagitan ng Data Privacy Act.
Iginiit ng kongresista na karapatan ng pamilya, pati na rin ng publiko, na malaman kung ang pagkamatay ng isang bilanggo sa ilalim ng kustobdiya ng pamahalaan ay bunsod ng “natural causes or wrongdoing.”
”Most of all, circumstances of the death of any person deprived of liberty under the custody of government should never be hidden, and no excuse to conceal it, should ever be accepted,” ani Biazon.
Tanging ang tao mismo, o ang pamilya nito, ang maari lamang mag-invoke ng privacy sa ilalim ng Data Privacy Act.
Pinaalalahanan naman din ni Biazon ang BuCor hinggil sa mandato niton para sa “safekeeping of national inmates” sa ilalim ng charter nito na Republic Act 10575.