-- Advertisements --

Nagbabala si dating health secretary at House Deputy Majority Leader Janette Garin sa publiko laban sa negatibong epekto ng paglalagay ng glutathione sa katawan.

Ito’y matapos tanungin si Garin tungkol sa mga panganib ng glutathione drip, ipinaliwanag ni Garin na pagkakaroon ng maputing balat ang epekto ng overdose ng glutathione at ito ang nagiging sanhi para madaling kapitan ng kanser ang isang tao.

“You will only have a fair and whiter skin if you get it in excessive doses. Iyan po ang epekto ng overdose ng glutathione. Is it beneficial? Sa iyong resistensya—yes. However, kapag ikaw ay hindi natingnan ng maayos ng doktor, at ito pala ay bawal sa’yo at wala ka namang cancer ay para kang kumuha ng bato na pinukpok mo sa ulo mo,” pahayag ni Garin.

Sinabi ni Garin na ginagamit ang glutathione ng mga cancer patients bilang immune booster habang sila ay sumasailalim sa chemotherapy para hindi madaling kapitan ng sakit.

“It is actually an immunebooster, habang ikaw ay nagkichemo, babagsak ang resistensya mo, binibigay ‘yan kasi it is a very strong antioxidant para ikaw ay hindi madaling mahawa ng sakit, ikaw ay natutulungan na tumaas ang iyong resistensya, subalit mayroon siyang side effect,” pahayag ni Garin.

Magugunita na tinutulan ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng glutathione para sa pagpapaputi ng balat, idiniin na hindi inaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) ang anumang injectable na produkto para sa pagpapaputi ng balat.

Payo naman ng doctor solon sa publiko upang palakasin ang immune system, dapat kumain ng masusustansyang pagkain, mag-ehersisyo araw-araw at magkaroon ng sapat na tulog.