Umaapela si House Deputy Speaker Rufus Rodriguez kay vaccination czar Carlito Galvez Jr. at Health Sec. Francisco Duque III na ipadala ang AstraZeneca COVID-19 vaccines sa iba pang regional at LGU hospitals at private referral hospitals para sa kanilang health workers.
Ayon kay Rodriguez, may iba pang regional hospitals, LGU hospitals gaya ng J.R. Borja Memorial Hospital sa Cagayan de Oro, at private referral hospitals sa bansa ang nangangailangan din ng kaniilang supply ng bakuna kontra COVID-19 para sa kanilang mga doktor, nurses at iba pang mga kawani.
Binigyan diin ng kongresista na dapat magkaroon ng equity sa distribution ng mga COVID-19 vaccines dahil maging ang iba pang mga regional, LGU at referral hospitals ay nakikipaglaban din sa nakakahawang novel coronavirus pati na rin sa mutations nito.
Kabilang sa mga lugar na tinukoy ni Rodriguez ay ang Northern Mindanao, Samar-Leyte provinces, Bicol, Southern Tagalog, at central at northern Luzon tulad ng Baguio City at Mountain Province.
Maaring ipadala aniya sa mga ospital sa naturang mga lugar ang mga bakuna na tinanggihan ng mga health workers na unang inalok.