Binatikos ni Northern Samar First District Rep. Paul Ruiz Daza ang Commission on Higher Education (CHED) dahil sa hindi maayos na pagganap sa kanilang trabaho.
Inihain ni Daza ang House Resolution No. 767 na nanawagan sa gobyerno na i-improved ang Access to Tertiary Education and Reduce Attrition Rates Among Deserving and Financially Challenged Students by Increasing Budget Allocation for Scholarships, Among Other Interventions.”
Nakita kasi ng mambabatas na ang bilang ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries na entitled sa Tertiary Education Subsidies (TES), ay hindi nabigyan ng benefits.
Batay naman sa statistics na ipinakita ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na dumalo sa pagdinig ng House Committee on Higher Education, na mula sa mahigit isang milyong benepisyaryo na inendorso ng departamento noong 2019, nasa 7,400 4Ps beneficiaries lamang ang nabigyan ng Technical Education Subsidies ng CHED.
Aminado ang kongresista na maging ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act (RA 10931) ay kinikilala na ang mga nangangailangan ng Tertiary Education Subsidies (TES), lalo na ang mga nasa ilalim ng 4Ps program na nangangailangan ng higit pa sa libreng matrikula.
“Mahihirap nga sila, kaya kahit libre na tuition, malaki pa rin ang ibang gastos,” wika ni Daza.
Nagprisinta pa si Daza ng datos kung paano hindi nagamit ng CHED ang budget, nitong mga nakaraang taon.
Base sa datos na inilahad ng mambabatas na ang disbursement rates para sa Higher Education Development Fund (HEDF) ay bumaba ng 50% mula 2015 hanggang 2019.
Para sa 2023, sinabi ng DSWD na mahigit 700,000 graduating students sa buong bansa ang mangangailangan ng Technical Education Subsidies (TES).
Ibinunyag din ni Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) Executive Director Ryan Estevez na may TES budget ang ahensya na PhP 17.9 bilyon para sa 2023, ngunit halos 300,000 benepisyaryo lamang ang kayang i-accommodate nito.
Ang UniFAST ay isang ahensya sa ilalim ng CHEDna nagpapatupad ng mga pangunahing inisyatiba ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Gayunman, sinabi ni Daza na ang CHED ay maraming mapagkukunan ng pondo na maaari nilang gamitin tulad ng 40% allocation mula sa travel tax, 30% ng registration fees mula sa Professional Regulation Commission, at 1% ng gross sales mula sa lotto ng Philippine Charity Sweepstakes Office.