Ibinahagi ni Department of Justice Secretary Fredderick A. Vida na siya’y paalis ng bansa ngayong araw patungong Czech Republic.
Sa panayam sa kalihim, kanyang sinabi na layon sa pagpunta sa bansang Czech Republic na tutukan ang patungkol sa kaso o sitwasyon ni former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co.
Aasikasuhin aniya nila rito ang pagbabalik ng dating mambabatas patungong Pilipinas kung saan siya’y may kinakaharap pang mga kaso.
Kasama ng kalihim na babyahe papuntang Czech Republic ngayong Huwebes ang Chief State Counsel ng kagawaran na si Dennis Arvin Chan.
Ngunit wala pang tiyak na detalyeng ibinigay si Justice Secretary Vida kung hanggang ilang araw sila mananatili roon at kung sinu-sino ang mga kakausapin opisyal.
Alinsunod rito’y naniniwala si Justice Secretary Vida na ang pagbyahe ng isang kalihim ng kagawaran ng katarungan tungong Czech Republic ay nagpapakita ng intensyon ng isang bansa.
Sa pamamagitan aniya ng pagbisita sa Czech Republic ay maipaparamdam ng gobyerno ng Pilipinas ang pagiging seryoso na maibalik ang kustodiya kay former Cong. Zaldy Co.
Bukod kay Justice Chief State Counsel Dennis Chan, ayon sa kalihim, kasama rin nilang lilipad palabas ng bansa ang Philippine Center for Transnational Crime.
Dagdag pa niya’y inaasahan ng ‘ambassador’ ng Pilipinas sa naturang bansa ang kanilang pagdating na layon asikasuhin ang patungkol sa dating kongresista.















