Gumagalaw na ngayon ang PNP Anti-Cybercrime Group at ang PNP Information and Technology Management Service para imbestigahan ang umano’y mga pekeng social media pages na tinanggal ng Facebook dahil sa Coordinated Inauthentic Behavior (CIB).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PNP Spokesperson PCol. Ysmael Yu kaniyang sinabi na hanggang sa ngayon hindi pa tinutugunan ng Facebook ang kanilang request na ibigay sa kanila ang listahan ng mga pages na may kaugnayan sa PNP na kanilang binura.
Nakikipag-ugnayan na rin anya ang PNP Anti-Cybercrime Group at Information Technology Management Service sa Facebook tungkol dito.
Ayon kay Yu nais din nila malaman kung ano-ano ang mga nasabing Facebook pages na umano’y may link sa PNP.
Sa ngayon ay naghihintay pa sila ng update sa Facebook kung anong partikular na account at page ang na-detect na nagpapakalat ng pekeng balita.
Nilinaw naman ni Yu na walang mga pekeng account ang PNP bagkus iisa lang ang official Facebook page na mina manage ng PNP DPCR na naka link sa ibat ibang units sa buong bansa.
Matatandaan na umabot sa mahigit 150 facebook account ang tinanggal ng Facebook matapos makitaan ng paglabag.
Ikinadismaya ito ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil pawang may adbokasiya para sa gobyerno ang mga account na nabura.
Una naman ng tinanggi ng PNP at AFP ang akusasyon at sinabing hindi sila kunektado sa mga tinanggal na Facebook account dahil tumatalima ang kanilang mga organisasyon sa social media etiquette.
















