Patuloy ang pagpupuslit ng produktong pang-agrikultura sa lokal na merkado, partikular ang gulay tulad ng carrots at sibuyas.
Ito ang obserbasyon ni Magsasaka Partylist (MPL) Rep. Argel Joseph Cabatbat matapos iulat ng Bureau of Customs (BoC) na nakasabat ito ng mga gulay mula sa ibang bansa na nagkakahalaga ng P160 milyon.
Sa spot inspections ng BoC na karamihan ay ginawa sa Cagayan De Oro, sinabi ni Intelligence Officer 1 Oliver Valiente na ang huli ay sa loob lang ng ilang buwan–Agosto hanggang Nobyembre ngayong taon. Aniya, karaniwang galing China ang smuggled items. Sasampahan ang mga importer ng kasong paglabag sa Republic Act 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.
Pinuri ni Cabatbat ang BoC Region 10 dahil sa dami at laki ng halaga ng nasabat nito, pero hiniling niya na mas paigtingin pa ang kampanya laban sa ilegal na gawain. Aniya, mas higpitan pa ang pagpasok ng produkto sa mga daungan.
Ayon sa mambabatas, may dalang panganib ang smuggled items dahil hindi ito dumaan sa standard phytosanitary inspection. Lubhang maapektuhan din ang kita ng mga Pilipinong magbubukid.
“Delikadong makain ang mga gulay na ito ng ating mga kababayan. Biruin mo, kung hindi nainspeksyon, makakasiguro ba ang mga konsyumer na walang preservative o pesticide na ginamit dito? Ang pinakamasakit sa lahat, kapag pumasok ang mga produktong ito sa palengke sa mas mababang halaga, lugi na naman ang mga magsasaka natin,” paliwanag ng mambabatas.
Nito lang Setyembre, nagkasundo ang MPL at BoC na magtulungan para sawatahin ang smuggling sa bansa. “Multi-pronged ang approach sa ganitong problema. Kailangan nating makipag-ugnayan sa mga ahensya tulad ng BoC at Department of Agriculture para mapalakas ang sistema laban sa ilegal na pagpasok ng agricultural items. At the same time, we lawmakers also have our jobs to do. Kailangan naming mag-imbestiga at alamin kung anong mga batas ang puwedeng ipasa para masiguradong hindi na maulit pa ang ganitong problema,” ani Cabatbat.
Naghain na ang MPL ng House Resolution 2282 para imbestigahan ang pagpupuslit ng mga gulay sa bansa.