BUTUAN CITY- Magpapatuloy ang “Smash for a cause” na sinimulan nitong byernes bilang medical assistance ng MSU Student na si Ivan Almeda na isa ring badminton enthusiast.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Lanie Asuncion Ferrer, coach sa Badminton, sinabi nitong malapit sa kanilang puso si Ivan dahil naging myembro ito ng badminton team ng Caraga. Sa ngayon magpapatuloy ang kanilang “smash for a cause” kahit na pumanaw na kahapon si Almeda.

Ayon kay Ferrer ang pondo na malilikom na para sana sa medical assistance, ay ipagkakaloob sa naiwang pamilya ng biktima. Maalalang 8 araw na nacomatose si Almeda sa Amai Pak-pak Medical Center sa Marawi City bago ito bawian ng buhay kahapon.

Posibleng hindi na nakayanan pa ng biktima ang bumaon na bala sa kanyang ulo matapos itong barilin noong Oktubre 17 sa community center sa loob mismo ng MSU main campus ng hindi pa kilalang suspek.