Aminado si Commission on Higher Education (CHED) chair Prospero De Vera na walang nakalaang pondo para sa pagtatayo ng smart campuses sa susunod na taon.
Ito ay sa kabila ng mga hakbang ginagawa ng education sector upang isulong ang distance learning system dahil sa coronavirus pandemic.
Ayon kay De Vera, kahit pa raw may P3 billion pesos allocated budget para sa mga state universities at colleges sa ilalim ng Bayanihan To Recover As One Act (Bayanihan 2) ay hindi kasama rito ang para sa smart campuses.
Hindi rin aniya magiging sapat ang nasabing budget para gawing smart campus ang lahat ng state universities at colleges sa bansa.
Sinegundahan naman ito ni Tirso Ronquillo, presidente ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC).
Sa ngayon daw kasi ay wala pa silang listahan ng mga kakailanganing technology ng mga SUCs. Kailangan muna raw kasi nilang malaman kung sino ang handa at hindi.
Bago ito ay bumuo na ang CHED ng technical working group para alamin ang mga equipment na kakailanganin para gawing smart campus ang mga eskwelahan.