Patay ang siyam na sundalo sa Pakistan dahil sa isang suicide bomber.
Ayon kay Pakistan Caretaker Prime Minister Anwaar-ul-Haq Kakar, ibinangga ng isang suicide bomber ang kanyang motorbike sa Pakistani Military convoy na kasalukuyang nasa Bannu district ng Pakistan.
Agad sumabog ang explosive device na dala-dala ng suicide bomber.
Maliban sa siyam na sundalong namatay, tinatayang lima hanggang dalawampung sundalo at sibilyan din ang nasugatan.
Tinawag naman ni Prime Minister Kakar ang ginawa ng suicide bomber bilang isang kaduwagan.
Ang naturang lugar ay isa sa bahagi ng Pakistan na may mataas na military activity dahil na rin sa maraming bilang ng mga miyembro ng grupong Tehreek-e-Taliban Pakistan (TTP), isang teroristang grupo na binubuo ng mga muslilm extremists.
Maalalang noong Enero ng kasalukuyang taon, isang suicide bomber ang nagsagawa rin ng kahalintulad na pambobomba sa isang mosque sa bahagi ng Peshawar na ikinamatay ng 80 katao.
Ang grupong Tehreek-e-Taliban Pakistan din ang itinuturong dahilan sa naturang krimen.