Pinalakas pa ng Israeli military ang kanilang mga pambobomba sa Gaza ito’y matapos maglabas ng bagong evacuation orders ang Israeli military nitong araw ng Lunes.
Habang naghahanda naman ang mga opisyal ng Israel para sa mga pag-uusap sa White House hinggil sa posibleng ceasefire.
Nabatid na ang mga bagong airstrikes at operasyon sa hilaga ng Gaza ay nagdulot ng matinding pinsala sa mga komunidad, kasunod ng mga mass evacuation orders.
Ayon sa mga residente, nagpapatuloy ang ginagawang pambobomba ng Israeli military sa mga paaralan, tahanan, at iba pang lugar ng mga sibilyan sa rehiyon.
Iniulat pa na nakapasok na ang mga tangke ng Israel sa silangang bahagi ng Zeitoun suburb at nagkaroon ng mga serye ng pambobomba doon.
Batay sa ulat ng Reuters apat na paaralan ang binomba ng Israeli military, kung saan ilang pamilya ang nagsisilbing mga evacuee habang aabot naman sa 38 katao ang nasawi sa mga airstrike ng Israel nitong araw ng Lunes, kabilang ang 10 sa Zeitoun at 13 sa katimugang bahagi ng Gaza City.
Samantala kinumpirma naman ng Israeli military na inatake nila ang mga target na mga militanteng grupo na umano’y nasa hilagang Gaza. Gayunpaman, hindi na nagbigay ng opisyal na pahayag ang Israel hinggil sa mga nasawi.