-- Advertisements --

CEBU CITY – Pinaplantsa na ng Sinulog Foundation Inc. (SFI) ang lahat ng aktibidad para sa nalalapit na Sinulog 2020 sa Lungsod ng Cebu.

Isa na rito ay ang inaabangang grand parade sa darating na Enero 19 kung saan maglalaban-laban ang 26 contingents mula sa Cebu at mga karatig nitong lalawigan sa Visayas at Mindanao.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay SFI Executive Director Elmer “Jojo” Labella, sinabi nito na ang naturang bilang ay itinakda batay sa naging request ni Mayor Edgardo Labella.

Sinabi ni Jojo Labella na gusto ng alkalde na hanggang alas-7:00 lang ng gabi ang malaking parada.

Ayon kay Jojo, ipapakita ng 26 na contingents sa ilalim ng Sinulog-based at free interpretation categories, ang de kalidad nilang performance bilang alay kay Señor Sto. Niño.

Samantala, nakahanda na rin ang iba pang mga activities alinsunod sa pista ng Sinulog simula sa Enero 10 gaya ng Sinulog sa Kabataan, Sinulog sa Barangay, Sinulog sa Palaboy, at marami pa.