Puwede nang gamitin ang Sinovac/CoronaVac anti-COVID-19 vaccine para sa mga batang edad anim hanggang 17-anyos.
Ayon kay Department of Health (DoH) officer-in-charge Maria Rosario Vergerie, kasunod na rin ito ng pag-apruba na ng departamento sa paggamit ng naturang bakuna sa nasabing age group.
Una rito ay inirekomenda ng Health Technology Assessment Council (HTAC) ang paggamit na ng Sinovac vaccine sa age group bilang primary vaccine series.
Sinasabing isa itong alternatibo ng mRNA vaccines na ngayon ay available naman sa bansa.
Kung maalala, noong buwan ng Mayo nang aprubahan ng Philippine Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) ng Moderna COVID-19 vaccine para sa mga batang may edad anim hanggang sa 11-anyos.
Samantala, ang EUA para sa Pfizer COVID-19 vaccine sa batang may edad na lima hanggang 11 ay inaprubahan ng FDA noong December 2021.
Base sa pinakahuling datos ng DoH, nasa 10 million adolescents at halos 5.2 million children na an fully vaccinated laban sa COVID-19.
Nasa 73.4 million na mga Pinoy naman ang nakakumpleto na ng kanilang primary vaccine series.
Sa naturang bilang, 20.3 million na ang nakatanggap ng kanilang unang booster dose habang mahigit 3.2 million ang nakatanggap ng second booster dose.