Inamin ng Department of Health (DOH) na may mga hinihintay pang dokumento ang ethics board mula sa kompanyang Sinovac kaya wala pang lumalabas na desisyon sa aplikasyong clinical trial ng kanilang COVID-19 vaccine dito sa Pilipinas.
Pahayag ito ng ahensya matapos sabihin ng Food and Drug Administration (FDA) kamakailan na posibleng makapaglabas na sila ng hatol sa aplikasyong trials ng Chinese biopharmaceutical company.
“When we look at the process, it’s not just the regulators or kami dito sa gobyerno ang dapat tingnan. Kailangan compliant din ang mga nagsa-submit sa amin,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa isang media forum.
Paliwanag ng opisyal, nakapagpadala na ang kanilang hanay sa Sinovac ng listahan ng mga kinakailangan pang ipasa na dokumento.
“May kailangan pa silang additional document for them to complete their evaluation. So we are still waiting for Sinovac to comply that we have requested.”
Habang hinihintay ang mga kulang na dokumento ng kompanya, kumilos na rin daw ang FDA sa pag-evaluate ng mga naipasa nang requirements ng Sinovac.
Ayon kay vaccine czar Sec. Carlito Galvez, posibleng sa kalagitnaan ng 2021 pa masimulan ang distribusyon ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas. Pero limitado pa lang daw ito sa target na populasyon ng pamahalaan.